CAUAYAN CITY- Pangungunahan ng mga kasapi ng Cauayan City Police Station ang paglalagay ng mga solar lights sa barangay Sta. Maria, Cauayan City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMajor Esem Galiza, Public Information Officer ng Cauayan City Police Station , sinabi niya na sila ang mangunguna katuwang ang mga volunteer groups ng Eagles, United Ilocandia at Pillaricans na katulungan nila sa pag-abot ng mga tulong lalong-lalo na sa mga liblib na lugar.
Aniya, walang kuryente sa barangay Santa Maria at matagal na itong pasanin ng mga residente lalo na noong kasagsagan ng online class dahil hirap ang mga estudyante na magtungo sa poblacion para lamang maki charge ng cellphone na gagamitin nila sa klase.
Madami silang mga naisip na ipapamigay ngunit ang mauuna ay ang solar lights bawat pamilya nang sa ganun ay magkaroon ng liwanag sa kanilang mga bahay at barangay lalo na kapag gabi dahil sobrang dilim umano sa nabanggit na lugar .
Dagdag pa sa nakita nilang problema ay ang kawalan ng tubig kaya naman dadagdagan nila ang nag-iisang deepwell sa Barangay Santa Maria ng isa pang deepwell o balon.