Inihayag ni 1-Rider Party-list Rep. Rodge Gutierrez na hindi nito nakikita bilang pagpapawalang bisa sa isinusulong na charter-change ang pagpapalabas ng withdrawal forms para sa mga lagda sa People’s initiative.
Ayon sa abogadong mambabatas, sa katunayan ito ay isang welcome development para sa information at education campaign para ipaalam sa mga tao ang isinusulong ng mga organisasyon na pagtanggal sa restrictive economic provisions ng 1987 Constitution.
Dapat din aniyang batiin si Comelec Chairman George Farcia sa paggampan ng kaniyang trabaho at pagsasagawa ng kanilang mandato kaugnay sa itinutulak na People’s initiative para amyendahan ang Saligang Batas.
Maalala na una ng naglabas ang poll body ng withdrawal forms para sa mga nais na bawiin ang kanilang signatures mula sa PI.
Ito ay bunga ng isinasagawang imbestigasyon ng Senado sa PI, na ayon sa ilang senador ay nabahiran ng mga iregularidad.
Para naman kay Guttierez, masyado na aniyang nakikialam ang mga senador sa PI kayat umapela ito sa Senado na itigil ang pakikialam sa proseso ng PI dahil ang kanilang imbestigasyon umano ay nagiging with-hunt na halatang nakadirekta umano laban sa Kamara.
Matatandaan na nagsasagawa ng mga pagdinig ang Senate Committee on Electoral Reforms and People’s Participation sa pangunguna ni Senator Imee Marcos kaugnay sa PI.