Ikinatuwa ng Philippine National Police (PNP) ang paglagda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa SIM Card Registration Act.
Sinabi ni PNP Public Information Office Chief Police Brigadier General Roderick Augustus Alba, na ang naturang batas ay magbibigay ng ngipin sa PNP sa paghahabol ng mga kriminal na nagtatago sa likod ng mga “anonymous” prepaid SIM cards.
Dagdag pa ni Alba na nakapagtala ang PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) ng 4,254 SIM card related offenses, mula lang Enero hanggang Setyembre ng taong ito.
Hindi pa aniya kasama dito ang ibang mga kahalintulad na kaso, na hinahawakan ng ibang ahensya ng gobyerno at mga hindi nare-report.
Inaasahan ng PNP na matatanggap ng mga mamamayan ang mandatory SIM card registration, dahil ang mga benepisyo nito sa paglaban sa krimen ay higit sa anumang “privacy concerns”.