Gutom
-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Patuloy ang mga ginagawang inisyatiba ng mga opisina ng pamahalaan upang masigurong natutugunan ang problema sa kahirapan at gutom sa lalawigan.

Kaugnay nito, kamakailan ay nilagdaan ang marketing agreement sa pagitan ng dalawang Agrarian Reform Beneficiaries Organizations (ARBOs) ng Department of Agrarian Reform (DAR)-North Cotabato at ng National Nutrition Council (NNC) XII.

Ang kasunduan ay sa ilalim ng Enhanced Partnership Against Hunger and Poverty (EPAHP) Program.

Layon nito na pagkaisahin ang mga organisasyon upang tugunan ang kahirapan at gutom, lalo na sa mga malalayong lugar ng bansa.

Nabatid na magiging katuwang na ng NNC XII ang New Leon Multi-purpose Cooperative ng Aleosan at ang Kisandal Multi-purpose Cooperative ng Magpet sa adhikaing ito.

-- Advertisement --

Base sa impormasyon mula sa DAR-North Cotabato, ang DAR-assisted ARBOs ay makikilahok na sa negotiated procurement sa pagsusuplay ng mga kinakailangang pagkain sa iba’t ibang programang pangkalusugan ng pamahalaan, partikular sa “Tutok Kainan” Supplementation Program ng NNC.

Binigyang-diin ni Provincial Agrarian Reform Program Officer I Charish Paña na ang kasunduan ay hindi lamang makatutulong sa pagwawakas ng kahirapan at gutom sa probinsiya kundi ito ay makapagbibigay ng dagdag na kita sa mga agrarian reform beneficiary.

Sa kabilang banda, sinabi ni Marie Jane Lihao, North Cotabato Provincial Nutrition Focal Point Person ng NNC na tinututukan ngayon ng NNC ang mas maigting na pagpapatupad ng EPAHP Program gayong inaasahan ang mas maraming problema sa kalusugan dahil sa pandemya.