Nakatuon ang bagong liderato ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na si Secretary Rex Gatchalian sa paglaban sa gutom at kahirapan sa bansa habang nagpahayag din ng kahandaang harapin ang mga suliraning panlipunan ng ating bansa.
Inilarawan pa ni Gatchalian ang kanyang work plan at strategy na gagamitin sa pagtugon sa mga serbisyo at tulong na kailangan ng mahihirap at vulnerable sector sa pangkalahatan at mga apektadong pamilya partikular na sa tuwing at pagkatapos ng kalamidad.
Una, ipinangako ng kalihim na ibabalik ang “food stub” system bukod pa sa tulong pangkabuhayan para sa mga kwalipikadong pamilya at indibidwal bilang hakbang para maibsan ang kagutuman sa bansa.
Upang matiyak na tanging ang mga karapat-dapat na pamilya at indibidwal lamang ang makikinabang sa iba’t ibang programa ng DSWD, sinabi ni Gatchalian na uunahin niya ang paglilinis sa listahan ng database ng mga benepisyaryo.
Dagdag pa niya, na wala siyang balak na baguhin ang listahan nais lamang aniyang matukoy kung sino ang talagang nangangailangan ng tulong ng DSWD lalo na sa pagpapatupad ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at iba pang financial grant ng gobyerno.
Sinabi din ng bagong DSWD chief na hihingi ito ng tulong sa mga eksperto mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) at Social Weather Stations (SWS) para sa listahan ng mga benepisyaryo.
Nais din ng dating mambabatas na i-streamline o bawasan ang mga kinakailangang requirements sa pag-aaplay para sa mga benepisyo ng DSWD at iba pang tulong pinansyal at grants.
Nangako rin si Gatchalian na magpapatupad ng mga hakbang para i-upgrade ang health care facilities ng DSWD at iba pang social activity centers ng ahensya.