Itutuloy ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pagkumpuni ng mga kalsada kahit umiiral pa rin ang enhanced community quarantine sa Luzon.
Pero nilinaw ni DPWH-National Capital Region District Engineer Ador Canlas na lilimitahan lamang nila ito sa mga pangunahing kalsada sa tulad ng EDSA, C5 at Roxas Boulevard.
Ang mga kalsada kasi aniya na ito ay crucial sa delivery ng essential services sa gitna ng banta ng COVID-19 pandemic.
Mahigpit naman aniyang ipapatupad ang quarantine protocols para sa mga manggagawa sa mga lugar na ito.
Pagsusuotin aniya ang mga manggagawa ng Personal Protective Equipment, bibilinan sa mahigpit na pagsunod sa social distancing, at patitirahin pansamantala sa mga COVID-19 free na pasilidad.
Ayon kay Canlas, sasamantalahin nila sa pagkumpuni ng mga pangunahing kalsada sa National Capital Region ang pagkakataon ngayon na walang traffic upang sa gayon ay mapabilis din ang trabaho rito.
Magsisimula aniya ang kanilang operasyon mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 lamang ng hapon bilang pagsunod na rin sa curfew na ipinapatupad ng ilang lugar.