Maaaring magkaroon ng mahinang daloy hanggang sa kawalan talaga ng tubig sa ilang lugar sa Metro Manila sa susunod na buwan.
Ito ang inamin ng Maynilad at Manila Water kaugnay ng posibilidad na bawasan ang alokasyon ng tubig kung babagsak pa sa 189 meters ang water level sa Angat Dam sa Mayo 2024.
Ayon kay Engr. Ronald Padua ng Maynilad Water Supply Operations, bandang gabi lamang sila magbabawas ng water pressure at magkakaroon ng service interruption para hindi gaanong marami ang maapektuhan.
Sa panig naman ni Dittie Galang ng Manila Water Corporate Communications, tuwing alas-10:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng umaga ang schedule nila ng pagbabawas ng water pressure.
Panawagan naman ng consumers na regular na maglabas ng abiso ang mga water concessionaire bago ang implimentasyon ng kawalan o mahinang daloy ng tubig.