-- Advertisements --

Naniniwala si dating Department of Energy (DOE) Sec. Jericho Petilla na matatagalan pa bago bumalik sa dati ang produksyon ng langis sa buong mundo.

Ito ay sa kabila ng ceasefire na inisyal na napagkasunduan ng Israel, US, at Iran, ang tatlong pangunahing bansa na sangkot sa matinding giyera.

Ayon kay Petilla, naging malawak ang epekto ng digmaan sa mga mahahalagang energy infrastructure sa buong Middle East, kaya’t kahit pa matapos na ang giyera, tiyak na bahagyang matatagalan pa bago bumalik sa normal ang kalakalan sa produktong petrolyo.

Inihalimbawa nito ang Qatar na dumanas ng malawak na pinsala, lalo na ang liquefied natural gas (LNG) industry nito na nagsusuply ng malaking bulto ng langis sa iba’t-ibang mga bansa.

Posible aniyang abutin ng mahigit isang taon bago maibalik sa dati ang mga nasirang pasilidad sa naturang bansa, matapos dumanas ng mga serye ng missile at drone attack ang ilan nitong pasilidad – ang iba rin ay tuluyang nasunog na resulta ng pagsabog.

Marami ring mahahalagang pasilidad sa ibang mga bansa tulad ng Kuwait, Saudi Arabia, atbpa, ang naapektuhan ang operasyon na posibleng abutin din ng mahabang panahon bago muling maibalik sa dati o sa regular nilang operasyon.

Bagaman masaklap na tanggapin aniya, posibleng magresulta ito sa tuloy-tuloy pang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa global at local market.

Hindi rin nakikita ng dating DOE chief na babalik na sa lalong madaling panahon ang presyo ng petrolyo na hanggang P60 kada litro. Kung may pagkakataon man aniyang babagsak pa ang presyo hanggang sa P60-per-liter level, tiyak na aabutun ito ng mahabang panahon.