-- Advertisements --

BOMBO DAGUPAN — Sinasadyang pagpapasabog ng missiles na siyang pumaslang sa mga kasapi ng grupong Wagner.

Ito umano marahil ang dahilan ng naturang grupo kung bakit nila naisipang umalsa laban sa militar ng Russia at inakusahan itong sinungaling.

Ayon kay Genevive Dignadice, ang Bombo International News Correspondent sa naturang bansa, marahil ay iniisip umano ng naturang grupo na trinaydor sila ng militar ng Russia dahil sa mga pagpapasabog nito ng mga missiles, dahilan ng pagkasawi ng marami sa kanilang mga kasamahan.

Kaugnay nito, naalarma ang mga residente maging ng ilang mga Pilipinong kasalukuyang nasa bansang Russia dahil sa nangyayaring kaguluhan sa lugar.

Ayon pa kay Dignadice, naglabas na rin ng kautusan ang pamunuan ng Russia na huwag munang lumabas ng kani-kanilang mga tahanan.

Sa kasalukuyan ay pinaghihigpit ng mga otoridad ang mga residente partikular ang mga manggagawa na hangga’t maaari ay umuwi ng mas maaga upang makaiwas sa mga check points.

Kaugnay nito, tinutuligsa narin umano ni Russian President Vladimir Putin ang pagkakanulo at pagtataksil ng naturang grupo kung saan nasakop na umano ng grupo ang lungsod ng Rostov-on-Don sa Russia malapit sa hangganan ng Ukraine, dahilan kung bakit sinabihan ang mga residente na manatili sa loob ng kani-kanilang mga bahay.

Nasa boundary ng Russia at Ukraine ang grupong Wagner at doon nag-uumpisa ang kanilang pagkilos alinsunod sa ibinigay na mensahe ng kanilang lider na nais nilang malaman ang paliwanag ng gobyerno.