-- Advertisements --

Noong nakaraang taon pa raw sinimulang imbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang alegasyon laban kay dating Justice Sec. Vitaliano Aguirre II kaugnay ng katiwalian sa Bureau of Immigration (BI).

Una nang idinawit ng kolumnistang si Ramon Tulfo si Aguirre sa columns na lumabas sa print at online version na “Living the life of the rich and famous” na lumabas noong April 11, 2019.

Dito binansagan ni Tulfo si Aguirre bilang protektor ng human trafficking syndicate sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at nag-issue umano ng circular para tanggalan ng kapangyarihan si Immigration Commissioner Jaime Morente na mag-assign at mag-reassign ng mga bureau personnel.

Ayon kay Justice Sec. Menardo Guevarra, dalawang area ang kasalukuyang iniimbestigahan ng NBI kay Aguirre kabilang na ang human trafficking (outbound) at escort services (inbound) kasama na ang pastillas scheme.

Naka-focus umano ang imbestigasyon sa mga iligal na aktibidad ng mga isinasangkot sa naturang modus.

Kahapon, sa isinagawang pastillas modus investigation sa Senado sinabi ni Tulfo na protektor ng naturang modus si Aguirre na mariin namang itinatanggi ngayon ng dating kalihim.