Umaasa ang Philippine National Police (PNP) Crime Laboratory na maisasakatuparan na ang panukalang pagkakaroon ng DNA (Deoxyribonucleic acid) database system sa bansa.
Ayon kay B/Gen. Rolando Hinanay, director ng PNP Crime Laboratory, napapanahon na para maipasa ang DNA database system.
Malaking tulong aniya kung maipapasa ang House Bill 7215 na naglalayong makakuha ng DNA sample sa mga naaarestong suspek.
Paliwanag ni Hinanay, mas mapapadali ang paglutas ng krimen dahil matibay na ebidensya ang DNA sa korte para magdiin ng akusado sa kaso.
Inihalimbawa ni Hinanay ang kaso ng 17-anyos na si Christine Lee Silawan na pinatay at binalatan ang mukha sa Cebu.
Sinabi ng heneral, nagtugma ang DNA ng suspek sa kutsilyo na ginamit sa pagpatay kay Silawan na naging dahilan para madakip ang suspek.
Samantala, isinagawa kaninang umaga ang isang symposium kung saan tinalakay din ang mga plano ng PNP para sa mas madaling paglutas ng krimen.
Dumalo sa nasabing symposium ang mga international forensic expert.