-- Advertisements --

Pinaiimbestigahan ng Makabayan bloc sa Kamara ang pagkamatay ng isang sanggol na inihiwalay sa kanyang nakakulong na ina sa Negros Oriental.

Inihain ng grupo ang kanilang House Resolution No. 1600 na humihimok sa Kamara, sa pamamagutan ng Committee on Human Rights, para silipin ang naturang insidente.

Base sa resolusyon, noong Pebrero 14, pumanaw si isang buwang gulang na sanggol na si Carlen, anak ng political prisoner na si Nona Espinosa, matapos na magkaroon ng infection sa kanyang baga at dugo.

Si Carlen, na ipinanganak na may cleft palate, ay inihiwalay sa kanyang ina tatlong araw matapos itong isinilang dahil kaagad na ibinalik si Espinosa sa kulungan sa Guihulngan City.

Setyembre 2020 nang inaresto si Espinosa kasama ang kanyang partner na si Adidas Acero at iba pang mga indibidwal.

Ayon sa pulisya, mga opisyal ng New People’s Army sina Espinosa at Acero.

Samantala, binigyan diin ng Makabayan bloc na mahalagang protektahan ng Kongreso ang karapatan ng taumbayan at kaagad na silipin ang mga paglabag sa mga ito.

“The death of infant Carlen just months after the controversial death of baby River highlights the need to conduct a thorough and impartial investigation on the incident to bring justice to the victims of these tragic incidents and avoid further casualties and damages especially against the innocent,” saad ng grupo.

Si Baby River, na anak ng ikinulong na aktibisa na si Reina Mae Nasino, ay pumanaw noong Oktubre ng nakaraang taon dahil naman sa pneumonia.

Nahiwalay din si Baby River sa ina nito ilang linggo matapos itong isinilang.