KORONADAL CITY – Itinuturing umanong isang hustisya para sa mga inosenteng buhay ng ilang mga lumad ang pagkakapatay kay George Madlos alias “Ka Oris” na tumatayong pinakamataas na lider ng Communist Party of the Philippines–New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) sa Mindanao.
Ito ang inihayag ni Ka-Eric Almendras, Miyembro ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at dati ring Cadre ng NPA sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Ka Eric, matagal na umanong sumisigaw ng hustisya ang ilang mga lumad sa Mindanao dahil sa walang awang pagpapatay sa kanilang mga kamag-anak na kagagawan ng NPA na pinamumunuan ni George Madlos alias “Ka Oris.”
Dagdag pa ni Ka Eric, isa sa mga tumatayong mataas na lider si Ka Oris at matagal na umanong kasapi ng kilusang ,resposable sa mga karahasan sa ilang mga sibilyan dahil sa mga isinasagawang operasyon ng mga ito.
Malaki naman umano ang posibilidad na namatay si Ka Oris sa engkwentro laban sa mga militar taliwas sa ipinalabas na pahayag ng NPA na inambush umano ito dahil isa umanong mataas na lider si Ka Oris at di umano basta-bastang bababa sa kanilang kampo nang walang kasamang isang platoon ng NPA, ito ang base rin sa kanyang kaalaman sa loob ng organisasyon.
Kung maaalala, namatay si Ka Oris sa lehitimong operasyon ng mga militar sa Impasugong, Bukidnon noong sabado, October 30, 2021 kasama ang isang medic ng NPA.
Si Madlos ay tubong Surigao del Norte at nahaharap sa patong patong na kasong robbery with homicide, damage to properties, murder, at double frustrated murder at mayruong P7.8 million reward na nakapatong sa kaniyang ulo kapalit ng kaniyang neutralization.