Mariin umanong itinanggi ng Bureau of Corrections (BuCor) na namatay na ang high profile inmate na lider ng Dominguez carnapping group.
Sinabi ni Justice Sec. Menardo Guevarra na base sa ipinadalang text message ni BuCor Spokesperson Col. Gabriel Chaclag, buhay na buhay daw si Dominguez at nasa isang isolation area lamang ng New Bilibid Prison (NBP).
Si Raymond Dominguez umano ay kasalukuyang mayroong chronic asthma symptoms.
Una rito, sinabi ni Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) head Arsenio “Boy” Evangelista na namatay sa ospital ng Muntinlupa si Dominguez dahil sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Si Dominguez at kanyang kapatid na si Roger ang mastermind sa pagkamatay ng anak ni Evangelista na si Venson Evangelista noong 2011.
Ang bangkay ni Venson ay sinunog ng grupo ni Dominguez sa isang liblib na lugar sa Barangay Buliran, Cabanatuan City sa Nueva Ecija.
Una rito, naging kontrobersiyal ang Bureau of Corrections (BuCor) matapos mamatay ang siyam na high profile inmates na kinabibilangan ni Jaybee Sebastian na tumestigo noon laban kay Sen. Leila de Lima kaugnay ng paglaganap ng iligal na droga sa New Bilibid Prison (NBP).