Isusunod na rin ng Bureau of Corrections (BuCor) na imbestigahan ang pagkamatay ng high profile inmate na si Jaybee Sebastian.
Kung maalala si Sebastian na tumestigo noon laban kay dating Sen. Leila de Lima ay namatay noong taong 2020 matapos umanong tamaan ng covid.
Batay sa kopya ng isang death certificate, nakasaad na acute myocardial infarction o atake sa puso at COVID-19 bilang “other significant condition” ang sanhi ng pagkamatay ni Sebastian.
Sa edad na 40, binawian umano ng buhay ang inmate noong July 18 sa New Bilibid Prison Hospital sa Muntinlupa City.
Ang ulat nito ay kinumpirma naman ng isang opisyal mula sa Panteon de Dasmarinas sa Cavite kung saan daw na-cremate ang labi ng high-profile drug convict.
Pero ayon kay retired Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff at Bureau of Corrections (BuCor) officer-in-charge Gregorio Catapang Jr., ang pagkamatay ng high-profile inmate Jaybee Niño Sebastian ay nakitaan din umano ng lapses.
Iimbestigahan na rin daw ng BuCor ang pagkamatay ng walong high profile inmate.
Tuloy-tuloy na raw ang pakikipag-ugnayan ng Bureau of Corrections (BuCor) sa National Bureau of Corrections (BuCor) kasunod na rin ng ipinasa nilag salaysay kaugnay ng pagkamatay ng mga high profile inmates sa New Bilibid Prison (NBP).
Sinabi ni Catapang na binigyan na raw nila ng lead ang NBI kaugnay rito.
Una rito, ibinunyag ng isang inmate ng NBP na ilan sa mga high-profile inmates na namatay sa national penitentiary ay hindi namatay sa sakit kundi sila ay pinatay.
Ayon sa inmate na si Rodel Tiaga, nasaksihan daw nito ang umano’y pagpatay sa drug lord na si Eugene Chua sa tinawag na “Site Harry” na siyang designated quarantine facility sa NBP para sa mga inmate na nagpositibo sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Base sa medical certificate, namatay si Chua ng cardiopulmonary arrest dahil sa COVID-19 noong Hunyo 2, 2020.
Aniya, nilagyan daw ng plastic bag ang ulo ng biktima at hinila ito ng dalawag katao hangggang sa nawalan ito ng malay sa harap nila.
Sinabi rin ni Tiaga na hiniling ng isang “frontliner” sa kanya na hugasan ang naturag plastic bag na ginamit para patayin si Chua.
Hindi raw ito nagsalita noon dahil na rin sa takot sa suspendidong si Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gerald Bantag.
Nakatakda naman daw na imbestigahan ng BuCor ang pagkakasangkot dito ng mga attending doctor diyan at kung sino ang nag-autopsy at nagsabi na namatay ito sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19).