-- Advertisements --
Jory Porquia

Mistula umanong ayaw resolbahin ng mga otoridad ang pagkamatay ng coordinator ng Bayan Muna party-list sa loob ng kanyang nirerentahang bahay sa Iloilo City.

Ayon kay Lean Porquia, anak ng napatay na aktibisang si Jory Porquia, dapat lamang umanong isama ng Department of Justice (DoJ) inter-agency task force on extrajudicial killings sa imbestigasyon ang pagkamatay ng kanyang ama lalo na’t brutal umano ang pagpaslang dito.

Sa kanyang sulat kay Justice Sec. Menardo Guevarra, sinabi ng nakababatang Porquia na sa pamamagitan sana ng Administrative Order (AO) 35 ay mayroong special powers ang DoJ na pabilisin at obligahin ang state forces na sagutin ang mga alegasyon ng extrajudicial killings.

Una rito, sinabi ng human rights group na Karapatan, ni Porquia at ng Bayan Muna members na nakaranas ang mga ito ng pangha-harass ng mga pulis ng Iloilo City kasunod ng kanilang Coronavirus disease 2019 (COVID-19) relief operations matapos umanong palabasing sira o contaminated ang mga ipinamahing mga pagkain.

Kasunod nito, bago umano namatay si Porquia ay narinig ni Lean ang pronouncement ng local police sa isang radio na kailangang isailalim sa surveillance si Porquia .

Una rito, inimbestigahan na rin ng AO 35 task force ang pagkamatay ng siyam na aktibista sa magkakahiwalay na operasyon ng PNP sa Calabarzon na ikinamatay ng labor leader na si Dandy Miguel noong nakaraang buwan.

Noong nakaraang linggo rin nang makipagpulong si Guevarra sa pamilya ng biktima sa main office ng DoJ sa Manila.

Hiniling noon ng kalihim na magtiwala sa integridad ng AO 35 mechanism at ang kakayahan nitong mag-imbestiga at maghatid ng hustisya sa mga biktima ng sinasabing extrajudicial killings.