Napatunayan na hindi umano extra judicial killing (EJK) ang nangyari sa pagkamatay ng menor de edad sa anti-drug operation noong June 16 sa Biñan, Laguna.
Ito ang inihayag ni PNP chief Gen. Guillermo Eleazar matapos iabswelto ng PNP Internal Affairs Service (IAS) ang 10 pulis na sangkot sa pangyayari.
Batay sa naturang operasyon, nasawi ang isang notorious drug suspect na si Antonio Dalit at ang 16-years old na si Jhondy Maglinte Helis matapos makipagbarilan umano sa mga pulis.
Pero giit ng mga pamilya ng mga nasawi na “execution” at hindi “shootout” ang nangyari.
Ayon kay Eleazar, base sa imbestigasyon ng IAS, walang indikasyon na pinatay “in cold blood” ang mga suspek, at wala ring testigo na nagpatotoo sa alegasyong pinatay ang mga ito ng walang laban.
Giit ni Eleazar, mabilis aaksyunan ng PNP ang mga kaso ng mga pulis na umaabuso sa kanilang trabaho.
Subalit ipagtatanggol din nila ang mga mabubuting pulis na ginagawa ng maayos ang kanilang sinumpaang tungkulin na pagsilbihan at proteksyunan ang mga mamamayan laban sa banta ng iligal na droga.