Pinawi ng World Health Organization ang pangamba ng ilang eksperto na mahirap labanan ang pagkalat ng coronavirus disease sa mga pasyenteng hindi nagpapakita ng kahit anong sintomas ng sakit.

Batay kasi sa unang pagsisiyasat, nabatid na posibleng kumalat ang sakit sa pamamagitan ng person-to-person contact kahit na walang sintomas ang carrier subalit ayon sa WHO hindi raw ito ang natatanging dahilan upang mahawa ang isang indibidwal.

Sa isinagawang news briefing ng ahensya, sinabi ni Dr. Maria Van Kerkhove, pinuno ng emerging diseases and zoonosis unit, na sa datos na kanilang hawak ay malinaw na makikitang bihira lamang na makahawa ang mga asymptomatic patient.

Dagdag pa nito, mas dapat daw pagtuunan ng pansin ng gobyerno ang pag-detect at isolation ng mga positibong kaso na nagpapakita ng sintomas maging ang paghahanap sa mga tao na kanilang nakasalamuha.

“We have a number of reports from countries who are doing very detailed contact tracing. They’re following asymptomatic cases. They’re following contacts. And they’re not finding secondary transmission onward. It’s very rare.” saad ni Kerkhove.