Kinuwestiyon ng mga senador ang pagkakatalaga kay Christopher Lloyd Lao bilang head ng Department of Budget and Management-Procurement Service (DBM-PS) noong 2020.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kahapon, ginisa ng mga senador si Lao sa kung paano nito nakuha ang dating hawak na posisyon at kung sino ang nagrekomenda sa kanya.
Ayon kay Lao wala namang nagrekomenda sa kanya at siya ay nag-apply sa naturang posisyon.
Pero pumalag dito si Senate Minority leader Franklin Drilon, at sinabi na hindi basta-basta ang mga nag-apply sa undersecretary position.
Subalit ayon kay resigned Department of Budget and Management chief Wendel Avisado, si Lao ay nakatalaga sa naturang posisyon nang siya ay naging budget secretary na.
Hindi rin inirekomenda ni dating budget chief Benjamin Diokno si Lao para sa naturang posisyon.
Para naman kay Sen. Panfilo Lacson, posibleng nag-apply si Lao sa naturang posisyon sa paniniwala na ito ay mababakant dahil ang kanyang predecessor ay hindi qualified sa posisyon dahil wala itong hawak na master’s degree.
Kung ito man ay totoo, sinabi ni Sen. Risa Hontiveros na mayroong “inside information” marahil si Lao para ma-anticipate ang vacancy sa kagawaran.
Nabatid na si Lao ay naka-assign dati bilang presidential management staff noong 2016 pero noong 2017 ay nagbitiw sa puwesto.
Naging Housing and Land Use Regulatory Board chief executive officer at commissioner naman siya kalaunan.
Noong 2020, siya ay naging undersecretary ng DBM.