Ipinagmalaki ng Philippine National Police (PNP) ang pagkakasabat sa humigit kumulang P34 milyong halaga ng shabu sa Parañaque City nitong weekend.
Ayon kay PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar, patunay aniya ito na nagbubunga na ang nilagdaang kasunduan sa pagitan ng PNP at PDEA para paigtingin ang kanilang kampaniya laban sa iligal na droga.
Isinagawa ang buy bust ang operation sa Sucat, Parañaque City kung saan ay naaresto ang suspek na nakilalang si Kenneth Vito Cruz na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Giit pa ni Eleazar, bagaman nakatutok ang mga pulis sa pagpapatupad ng minimum health standards ngayong panahon ng pandemiya ay hindi rin nila pinababayaan ang kanilang mandato na tuldukan ang pamamamyagpag ng iligal na droga sa bansa.
Patuloy ang panawagan ng PNP chief sa publiko na huwag mag atubiling lumapit sa mga awtoridad sakaling mayroon silang hawak na impormasyon hinggil sa operayon ng iligal na droga sa kanilang lugar.
“Bilang isang multi-billion peso illegal drugs trade, inaaasahan natin na patuloy ang operasyon ng mga sindikato ng mga iligal na droga kaya naman tinapatan natin ito ng whole-of-government approach mula sa pagbabantay sa ating mga territorial waters at coastline kung saan ipinupuslit ang shabu hanggang sa intelligence-gathering at pagsasagawa ng agresibong operasyon laban sa kanilang mga galamay sa bansa,” wika ni Gen Eleazar.