-- Advertisements --

bai

Sa kauna-unahang pagkakataon at sa inisyatiba ni Maguindanao 1st District at Cotabato City Representative Bai Dimple Mastura hiniling nito kay House Speaker Martin Romualdez na magkaroon ng “PRAYER ROOM” para sa mga Muslim na mambabatas at mga kawani ng House of Representatives (HOR).

Siniguro naman ni Speaker Romualdez na matutugunan ang kahilingang ito upang ipakita at ipadama na ang Kongreso ay isang malaya at makabuluhang espasyo para sa lahat ng paniniwala at relihiyon.

Sa pagtatapos ng sesyon ng Kamara, personal na hiniling ng mambabatas kay Speaker Romualdez na magkaroon ng espasyo para sa mga kapatid nating Muslim upang makasamba sa kanilang relihiyon.

Ipinagpapasalamat nito ang pagbibigay-alam ng lady solon sa pangangailangan ng mga kapatid na Muslim na mambabatas at kawani ng Kongreso.

Inihayag ni Romualdez na ang pagkakaloob sa nasabing kahilingan ay patunay na ang Kongreso ay malaya at nagkakaisa, anuman ang iyong relihiyon at paniniwala.