-- Advertisements --

Inirekominda ni dating Health Secretary at kasalukuyang Iloilo 1st District Rep. Janette Garin ang pagtatalaga ng COVID-19 Lab Czar.

Sa teleconference meeting ng House Defeat COVID-19 Committee nitong hapon, sinabi ni Garin na magsisilbong operations managers ang COVID-19 Lab Czar sa mga laboratoryo na nagsasagawa ng tests sa naturang sakit.

Nakikita ni Garin na sa ganitong paraan ay ma-maximize ang kapasidad ng mga laboratoryo at kaagad na matugunan ang pangangailangan ng mga ito.

Ang COVID-19 Lab Czar din aniya ang siyang magtatakda ng bilang ng tests na kailangan isagawa ng mga laboratoryo at maghahanap ng paraan sakaling mangailangan ang mga ito ng karagdagang manpower o lab augmentation.

Makikipag-ugnayan din aniya ito sa Department of Finance, Department of Trade and Industry at Department of Interior and Local Government para sa COVID-19 response ng pamahalaan.

Siya rin ang mamamahala sa timely releaase ng COVID-19 test results upang sa gayon makakilos kaagad ang mga lokal na pamahalaan at ospital sa pag-contain ng infection.

Ito rin aniya ang siyang bahala sa pagbibigay ng ulat sa publiko hinggil sa inventory ng mga available test kits.