Todo pa rin ang pagpapaalala ng Department of Health (DOH) sa publiko na huwag munang kumain ng mga exotic food, gayundin ng kilawin o mga hilaw na karne sa gitna ng pagkalat ng sakit na novel coronavirus.
Ayon kay Health Sec. Francisco Duque III, umiwas muna sa pagkain ng karne ng aso, pusa, daga, bayawak at iba pa.
Payo ng kalihim, kung kakain ng karne ay siguruhing matagal ang pagkakaluto para matiyak na patay ang mikrobyo.
Iginiit din ni Duque na marami nang sakit ang tao na nakukuha sa pagkain sa mga hayop.
Inihalimbawa nito ang severe acute respiratory syndromes o SARS, Middle East Respiratory Syndrome Coronavirus o MersCov, African swine fever (ASF), at iba pa.
Ito aniya ang tinatawag na zoonotic transmission na ang ibig sabihin ay ang mga sakit na nakukuha ng tao sa pamamagitan ng pagkain ng iba’t ibang hayop.
“Rule number one: Never eat raw meat,” wika ni Duque. “A lot of illnesses start with animals or zoonotic transmission.”
“Yang mga kilawin, tigil na muna natin ‘yan. Maraming mikrobyo kasi ‘yang mga yan,” dagdag nito.
















