-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Patunay lang umano na hindi tinulugan bagkus ay patuloy na sinisikap ng gobyerno na mabigyang hustisya ang pagbaril-patay sa radio broadcaster ng isang FM station na si Juan ‘DJ Walker’ Jumalon sa loob ng kanyang bahay sa bayan ng Calamba,Misamis Occidental.

Ito ang sinabi sa Bombo Radyo ni Police Regional Office 10 spokesperson Police Major Joann Galvez – Navarro patungkol sa pagka-aresto na ng dalawa sa mga isinangkot na salarin sa Jumalon killing na kinabilangan ng mag-pinsan na sina Renante Saja Bongcawel at Boboy Saragay Bongcawel,pawang nasa legal na edad at residente sa bayan ng Sapangdalaga ng lalawigan.

Inihayag ni Navarro na bagamat malayo pa maibigay ang hustisya para sa naulilang pamilya ng biktima subalit tiniyak naman umano ng Philippine National Police at provincial prosecutor’s office na murder case conviction ang kahihitnan ng mga personalidad pagpatay sa biktima.

Magugunitang patuloy na tinutugis pa ng Special Investigation Task Group DJ Johnny Walker ang mismong bumaril-patay kay Jumalon na si Julito Mangumpit alyas Ricky upang kukumpleto sa pagsara ng kaso.

Napag-alaman na halos apat na milyong piso ang nakahandang ibibigay ng pamahalaan para sa ilang indibidwal na nagsilbing informants upang matunton ang nagtagu-tago na mga akusado matapos ang pagbaril kay Jumalo na naka-Facebook live program pa noong petsa 5 ng Nobyembre 2023.