NAGA CITY – Tinatayang aabot sa 25 Fraser’s dolphins ang aksidenteng napadpad sa baybayin ng Barangay Magais 1 sa bayan ng Del Gallego, Camarines Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Nonie Enolva, tagapagsalita ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR)-Bicol, sinabi nito na palaisipan pa rin sa mga residente at maging sa kanila ang dahilan ng insidente.
Ayon kay Enolva, pito sa nasabing dolphin ang pinakawalan na.
Binabantayan naman ang walong iba pa ngunit 10 sa mga ito ang namatay.
Kaugnay nito, isa sa mga tinitignang dahilan ay ang epekto ng dynamite fishing na ginagawa sa mga lugar malapit sa Del Gallego, o kaya naman ay ang posibilidad na pagbabago ng moonsoon wind.
Sa ngayon nagpapatuloy na umano ang pagtatala ng mga stranding incident sa Bicol Region kung saan sinasabing ang buwan ng Enero, Pebrero at Marso ang peak season ng mga ganoong klase ng isda.
Nabatid na ito na ang ika-apat na beses na nagkaroon ng parehong insidente sa parehong bayan.
Nanawagan naman si Enolva sa lokal na gobyerno ng Del Gallego at sa iba pang lugar na agad ipagbigay-alam sa BFAR kung sakaling magkaroon muli ng kaparehong insidente upang agad itong mabigyan ng aksyon.