Aminado si Western Mindanao Command (WesMinCom) Commander M/Gen. Cirilito Sobejana na nakakabahala ang ulat na may Pilipino na ang naeenganyo para maging suicide bomber.
Ito’y kasunod ng twin bombing sa kampo ng 1st Brigade Combat Team sa Barangay Tanjung, Indanan, Sulu noong nakaraang Biyernes, kung saan dalawang bombers ang sumalakay sa kampo ng militar.
Nakilala ang unang bomber na si Norman Lasuca, 23-anyos ng Jolo, Sulu, matapos akuin ng isang ginang na anak niya ang ulo na narekober sa blast site.
Ayon kay Sobejana, malaking hamon ito hindi lamang sa militar kundi sa sambayanang Pilipino kaya mahalaga ang kooperasyon ng publiko na maging alerto at mapagmatyag sa kapaligiran.
Una nang sinabi ng heneral na may ginagawa na silang mga hakbang o pangontra para hindi na maulit pa ang pagsabog sa Indanan.
“Very alarming kasi first time na meron tayong kapwa Pilipino na nagsu-suicide bombing, magiging wake up call ito sa lahat ng mga Pilipino na magiging vigilant and more wary dahil ayaw naman natin na marami ang magiging biktima nito, kung titignan mo hindi lamang mga government forces ang target even the innocent civilians ay target,” pahayag ni Lt Gen. Sobejana sa panayam ng Bombo Radyo.
Samantala, nasa proseso na rin ang militar sa pagtukoy sa identity ng ikalawang bomber na umano’y isang Caucasian na bata.
Ayon sa WesMinCom chief, kumuha na rin sila ng sample mula sa sabog na katawan ng second bomber at isinailalim na sa DNA testing.
May ginagawa na rin aniya silang “matchmaking” sa pangalawang bomber, ito ay ang video na kanilang nakuha noon nang makasagupa ng militar ang grupo ni Hatib Hajan Sawadjaan kung saan may nakita silang dalawang bata na edad siyam na taong gulang at 11-anyos na anak ng Moroccan national.
Sa ngayon hinihintay na lamang nila ang resulta ng DNA test para matukoy na ang batang second bomber ay anak ng Moroccan bomber na nagpasabog naman sa Lamitan, Basilan.
“Nuong JTF Sulu commander pa ako may nakuha kaming video ng dalawang Moroccan boys around 9 and 11 years old, so yung isa kahawig at sinusuri natin ng mabuti, ganon din ang ginawa ng SOCO kumuha sila ng mga sample para mai match kung kanino mag match sa kanilang data base, at ang ano dun is parang Moroccan citizen ang tatay, at kung lalabas na pareho masasabi natin na foreign national,” ani Sobejana.









