-- Advertisements --

Nilinaw ng Anti-Red Tape Authority o ARTA na sapat na ang isang valid government ID, partikular ang National ID, para sa mga transaksiyon sa mga ahensya ng pamahalaan. Ayon kay ARTA Director General Ernesto Perez, ipinagbabawal na ang paghingi ng dalawang valid ID at maaari itong ireklamo.

Hinimok ni Perez ang publiko na magsumite ng reklamo sa ARTA kung nakararanas pa rin ng ganitong patakaran o hindi maayos na serbisyo.

Nilinaw din niyang dapat nakasaad sa Citizens Charter ang singil sa photocopy services ng mga ahensya. Bawal ang anumang bayarin na hindi nakadeklara rito. Dapat ding may maayos at komportableng waiting area, public assistance desk at special lanes para sa senior citizens at persons with disabilities.

Samantala, sinabi ni Perez na may mga online portal ang ilang ahensya at lokal na pamahalaan para makatanggap ng reklamo kahit weekend. Binigyang-diin niyang karapatan ng bawat mamamayan ang maayos na serbisyo publiko at obligasyon ng pamahalaan na ibigay ito.