Cebu Archbishop Uy, nanawagan ng kapayapaan at pantay na hustisya sa gitna ng tensyon sa bansa
Hinimok ni Cebu Archbishop Alberto “Abet” Uy ang mga Pilipino na huwag hayaang manaig ang galit, pagkakahati-hati, at maling impormasyon sa gitna ng umiinit na sitwasyong pampulitika sa bansa.
Sa kanyang pastoral appeal, sinabi ni Archbishop Uy na mahalagang pairalin ang katotohanan, respeto, at pagkakaisa upang maiwasan ang lalo pang paglala ng tensyon sa lipunan.
Kinikilala ng arsobispo ang hinaing ng publiko tungkol sa umano’y di pantay na imbestigasyon sa mga isyu ng korapsyon, kabilang ang flood-control anomalies at iginiit ang kahalagahan ng patas na imbestigasyon.
Nanawagan siya sa Pangulo at sa mga ahensya ng gobyerno na ipakita ang seryoso at patas na pag-iimbestiga sa lahat ng sangkot at papanagutin ang sinumang mapatutunayang nagkasala, anuman ang kapangyarihan o koneksyon sa politika .
“Please show our people that the investigation into the flood-control scandal is being pursued seriously, sincerely, and without favoritism. If wrongdoing is proven, those responsible must be held accountable and punished accordingly, regardless of political party or influence,” wika pa ni Abet.
Hinikayat din niya ang kanyang mga kapwa obispo sa CBCP na patuloy na manindigan para sa katotohanan, katarungan, at pananagutan, nang may tapang at malinaw na panawagan.
“…continue speaking clearly and courageously in defense of truth, justice, accountability, and the common good. We should be just as strong in urging a swift and credible investigation into the flood-control anomalies as we are in calling for the proper constitutional process regarding the impeachment case,” dagdag pa ng arsobispo.
Binigyang-diin din niya na hindi ito panahon sa poot at bulag na katapatan sa mga pulitiko kundi panahon para mahalin ang bansa nang tapat, may panalangin at responsable.
















