-- Advertisements --

Umani nang papuri ang naging hakbang ni President-elect Ferdinand Marcos Jr. na hawakan mismo ng personal ang Department of Agriculture (DA) sa kanyang pag-upo sa pwesto.

Kabilang sa humanga ay si dating Agriculture Secretary Manny Piñol.

Si Piñol na natalo sa nakalipas na halalan sa pagkasenador ay sinabi na maituturing itong “brilliant move.”

Ayon pa sa kanya, kung mangyari ito ay baka manginig sa takot ang mga cartel at smugglers.

Liban nito, maging ang hihinihingi budget sa kongreso ay wala na ring haharang pa na “tigasin” dahil presidente na ng Pilipinas ang haharap sa kanila.

-- Advertisement --

Kung maalala, kamakailan ay inimbestigahan din ng Senado ang isyu sa smuggling sa agrikultura at ang kontrobersiyal na pag-aangkat ng mga produkto kasama na ang isda, bigas, asukal at iba pa mula sa ibang bansa.

Sinabi pa ni Piñol na dati ring Mindanao Development chief at humawak sa Department of Agriculture sa pagitan ng taong 2016 hanggang 2019, kung pangulo mismo ang hahawak sa naturang kagawaran ay matitiyak na ang sapat na pondo at tulong para umangat pa ang sektor ng agrikultura.

Samantala, bumuhos rin naman ang mga reaksiyon na ipinaabot sa Bombo Radyo ng mga viewers at listeners.

Ang iba ay nagsabing sana raw ay mapababa pa ang presyo ng bigas tulad sa unang hinahangad ni Marcos ng hanggang P20.

Ang iba naman ay nagbalik tanaw sa ama noon ni BBM na may programa na green revolution para sa mga magsasaka.