-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Hinihintay na lamang umano ang tamang panahon upang ganap nang maiharap sa media at publiko ang sinasabing higit 300 na mga rebeldeng sumuko sa Masbate.

Matatandaang una nang inulan ng kontrobersiya at isyu ang tanggapan ng militar sa Bicol matapos ang paglalabas ng “edited” photos ng mga sumukong rebelde noong Disyembre 2019.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay 9th Division Public Affairs Office (DPAO) acting chief Major Gerjim Dimalibot, pinagpaplanuhan pa ang aktibidad habang sumasailalim pa ang mga rebel returnees sa proseso at validation para sa makukuhang benepisyo sa pagsuko.

Hiniwalay na rin ang mga regular na miyembro ng New People’s Army (NPA) sa mga bahagi ng Militia ng Bayan.

Muling iginiit ng opisyal na totoo ang pagsuko ng 306 na rebelde habang aminado na ang nasabing isyu ang isa sa mga dahilan ng pagkatanggal sa pwesto ni dating 9th DPAO chief Maj. Ricky Aguilar na nasa training school ngayon.

Target pa rin ng Philippine Army na iharap ang mga ito kay Pangulong Rodrigo Duterte.