-- Advertisements --

Naniniwala ang Malacañang na bahagi ng diskarte ng House prosecution ang pagharap sa kontrobersiyal na si “Mary Grace Piattos” bilang testigo.

Ito ang reaksiyon ng Palasyo matapos kumpirmahin ni House prosecutor at Manila Rep. Joel Chua na isa si Piattos sa 25 testigong ihaharap nila sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, partikular kaugnay sa isyu ng confidential funds.

Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, nasa prosekusyon ang pagpapasya kung sinu-sino ang kanilang ihaharap na mga testigo sa kaso.

Sinabi ni Castro na bahagi ng estratehiya ng prosekusyon ang naturang hakbang.

Gayunman, binanggit ng Palace Official na batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), wala umanong rekord ng pangalang “Mary Grace Piattos,” kaya posibleng mahirapan silang matukoy ang naturang indibidwal.

Samantala, hinamon naman ni House prosecutor at Manila 3rd District Rep. Joel Chua ang kampo ni Vice President Sara Duterte na iharap si “Mary Grace Piattos” sa impeachment trial upang tuluyang malinawan ang kontrobersiya kaugnay ng umano’y paggamit ng confidential funds.

Ayon kay Chua, nananatiling kabilang sa listahan ng mga testigo ng prosekusyon si Mary Grace Piattos dahil isa itong mahalagang saksi sa usapin ng confidential funds.

Sinabi niya na kung may haharap na Mary Grace Piattos, maaari itong sumailalim sa cross-examination. 

Ngunit kung walang lalantad, lalo lamang umanong mapagtitibay ang hinalang hindi tunay ang naturang pagkakakilanlan.

Binigyang-diin ni Chua na lumitaw ang pangalan ni Mary Grace Piattos sa mga acknowledgment receipt na ginamit sa liquidation ng confidential funds ng Office of the Vice President. 

Dagdag pa ni Chua, kung code name lamang ang “Mary Grace Piattos,” dapat umanong ilantad ng depensa ang tunay na pagkakakilanlan ng taong nasa likod nito upang tuluyang maresolba ang isyu.