CENTRAL MINDANAO – Patuloy umano ang pagsisikap ng dalawang mambabatas mula sa Maguindanao sa panukalang paghahati sa dalawang probinsya.
Bago lang ay umusad na sa Deputy Secretary General at sa Chairman of the Committee on Local Government ng Kongreso ang House bill 6493, ang panukalang paghahati sa probinsya ng Maguindanao.
Igigiit nina Maguindanao 2nd District Cong. Esmael “Toto” Mangudadatu at Maguindanao Ist District Rep. Ronie Sinsuat na maipasa sa kongreso ang naturang panukala bago mag-recess.
Bago mag-adjourn ang kongreso sa Marso 11 ay tutukan nina Mangudadatu at Sinsuat na maisali ito sa committee report ng Speaker of the house at sa mga miyembro ng plenaryo para mapabilis ang pag-usad ng panukalang paghahati ng Maguindanao sa dalawang probinsya.
Malaki ang paniniwala ni Mangudadatu na maaaprubahan ang panukala sa kongreso dahil suportado naman ito ng mga mambabatas at lahat gustong maging co-author.
Dagdag pa ni Mangudadatu, nagkausap na sila ni Senador Francis Tolentino na siyang chairman ng Local Government ng Senado at ibang senador na nagpahayag ng pagsuporta sa planong paghahati sa Maguindanao sa dalawang probinsya.
Kung wala nang balakid at maaprubahan ang panukala ay mabubuo ang Southern Maguindanao na ang magiging kapitolyo ay ang bayan ng Buluan, samantalang ang Northern Maguindanao naman ay ang bayan ng Datu Odin Sinsuat ang magiging kabisera nito.