Sinisikap ngayon ng Kamara at ng Department of Finance (DOF) na gawing “deficit neutral” ang pagpondo sa Bayanihan 3, na maglalaman ng “lifeline measures” para sa pagsindi ulit ng ekonomiya ng bansa.
Ayon kay House Committee on Ways and Means chairman Joey Sarte Salceda, patuloy na naghahanap sila ng DOF ng mga paraan para mahanapan ng pondo ang itinutulak na ikatlong economic stimulus pero sa pamamaraan na hindi naman tataas ang deficit ng gobyerno.
Isa sa mga nakikita nilang posibleng gawin aniya ay pansamantalang taasan ang mandatory dividend remittance ng mga government owned and controlled corporations (GOCCs) mula 50% hanggang 70%, pero kakailanganin namang maamiyendahan muna ang Dividends Law.
Ayon kay Salceda, aabot ng hanggang P70 billion ang malilikom kapag matuloy ito.
Bukod dito, sinabi ng kongresista na maari ring gumawa ng capital withdrawals ang DOF mula sa mga tinatawag na “obese” GOCCs.
Maaring aprubahan na rin aniya ang panukalang batas na magpapataw ng buwis sa online sabong, at Philippine Offshore Gaming Operations.
Sa ngayon, mayroon nang draft ang technical working group para sa Bayanihan 3 na naglalaman ng 108 billion para sa universal basic income na P1,000 per head, at P108 billion naman na standby funds; P12 billion para sa assistance for individuals in crisis situations (AICS) ng Department of Social Welfare and Development, at P3 billion naman para sa Medical Assistance for Indigent Patients (MAIP).
Maari rin aniyang maidagdag rito ang P54 billion na alokasyon para naman sa Pension and Gratuity Fund na pinaprayoridad ni Speaker Lord Allan Velasco.