BOMBO DAGUPAN – Hindi kuwestyon kung dapat bang ibahin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang paggunita ng EDSA People Power Revolution dahil lang sa isa siyang Marcos kundi ang isang malaking katanungan umano ay kung naisasapuso pa ba ng mga Pilipino ang selebrasyon nito.
Ito ay mula sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Froilan Calilung na isang political analyst.
Wala naman umano siyang nakikitang pagkakaiba dahil ang lagi namang laman ng kampanya noon ni Marcos ang tungkol sa pagkakaroon ng national unity.
Kung sakaling iibahin man niya ang magiging sitwasyon ng naturang selebrasyon ay baka mag-iwan lamang ito ng masamang imahe na kokontra sa kaniyang ipinapanawagang pagkakaisa.
Dagdag pa ni Calilung na ang dapat sanang pagtuunan ngayon ng pansin ay ang pagsasadiwa nito ng mga mamamayang Pilipino dahil simula nang mapalitan na ang mga administrasyon at sa patuloy na paglipas ng panahon ay nagiging matamlay na aniya ang usaping ito at halos kaunti na lamang din ang mga kabataang may ideya rito.