-- Advertisements --

Inihayag ng Commission on Population (POPCOM) na isa ang labis na paggamit ng social media sa mga pangunahing sanhi ng nakakaalarmang pagtaas ng bilang ng mga kaso ng teenage pregnancy sa Pilipinas.

Ayon kay POPCOM Knowledge Management and Communication Division acting chief Mylin Quiray, ito ay sa kadahilanang labis ang pagkakalantad ng mga kabataan sa pornography.

Batay aniya sa isang pag-aaral patungkol sa Young Adult Fertility and Sexuality sa Pilipinas, noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic ay nakapagtala ang mga kinauukulan ng paglala sa bilang ng mga lantarang pornograpiya sa social media.

Samantala, ayon sa Philippine Statistics Authority and civil registry records, ang mga kaso ng naitalang teenage pregnancy sa buong bansa ay tumaas mula 130,000 noong 2021 patungo sa 150,000 na bilang noong taong 2022.

Kung kaya’t iminungkahi ni Quiray na dapat ipatupad ng mga lokal na pamahalaan ang pagsasagawa ng sex education programs sa 10-19 taong gulang na mga kabataan upang mabigyan ang mga ito ng kaalaman at mabawasan ang kaso ng teenage pregnancy sa ating bansa.