-- Advertisements --

Umaapela ang isang kongresista sa National Task Force Against COVID-19 (NTF) na payagan ang paggamit ng rapid antigen testing sa mga taong pumapasok at lumalabas ng NCR Plus bubble.

Sinabi ni Camarines Sur Representative Luis Raymund “LRay” Villafuerte na ang hakbang na ito ay “more effective test-based strategy” para mapigilan ang pagkalat ng novel coronavirus disease (COVID-19) at sa mas nakakahawang variants nito.

Inirekomenda ng kongresista na makipag-ugnayan si NTF chief implementer at vaccine czar Carlito Galvez Jr. sa mga opisyal ng iba’t ibang local government units sa pagtayo ng mga testing stations sa lahat ng mga border checkpoints sa National Capital Region pati na rin sa apat na karatig probinsya nito na nakapaloob sa NCR PLus bubble, na kasalukuyang nasa ilalim ng modified enhanced community quarantine kasunod ng dalawang linggo na ECQ.

Iginiit ni Villafuerte na sa paggamit ng rapid antigen testing ay kaagad na matutukoy, mahaharang at maipapadala ng NTF, Department of Interior and Local Government at iba pang mga ahensya ng pamahalaan sa quarantine facilities ang matutuklasang COVID-19 positive patients.