-- Advertisements --

Pinag-aaralan na ng Chinese government ang pagpapalawig sa paggamit nito ng convalescent plasma therapy para sa mga pasyenteng nag-positibo sa COVID-19.

Sinabi ng isa sa leading respiratory disease sa China na gagamitin na rin ang naturang therapy sa mga pasyente na nasa Guangdong province.

Naging positibo sa mga pasyente mula Hubei province ang paggamit ng mga doktor sa convalescent plasma therapy.

Una nang ginamit ang nasabing therapy para pagalingin ang mga pasyenteng dinapuan ng H5N1 avian flu at H1N1 swine flu labing-limang taon na ang nakararaan.

Malaki rin umano ang naitulong ng pamamaraan na ito upang mapababa ang bilang ng mga namamatay dahil sa mga nabanggit na sakit.

Kamakailan lamang nang madiskubre ng mga eksperto mula sa China National Biotec Group ang virus-neutralising antibodies mula sa plasma ng isa sa mga pasyenteng gumaling sa COVID-19.

Napatunayan umano sa isinagawang eksperimento na epektibo ang naturang antibody na ito upang puksain ang virus na unang naitala sa Wuhan, China.

Matagumpay ding naihanda ng nasabing kumpanya ang plasma para sa clinical treatment matapos itong dumaan sa mahigpit na blood biologiocal safety testing, virus inactivation at antiviral activity testing.

Ginamit ang plasma upang pagalingin ang nasa 11 pasyente na nasa kritikal na kondisyon dahil sa COVID-19.