
Hindi inirerekomenda ng Department of Health (DOH) ang paggamit ng antigen para sa pagsuri ng covid-19 sa Christmas parties.
Ibinabala pa ng DOH na posibleng magbigay lamang ito ng hindi wastong resulta kapag ginamit sa pagsuri sa mga indibidwal na walang sintomas.
Paliwanag ni DOH officer-in-charge Ma Rosario Vergeire na accurate o tama ang magiging resulta ng antigen test kung ang susuriing indibidwal ay nakararamdam ng sintomas subalit kung wala ay maaaring magresulta ito ng false-negative o di naman kaya ay false-positive.
Inihalimbawa pa ng Department of Health official na kung sakaling ang isang indibidwal ay lumabas na false negative sa covid-19 subalit mayroon itong sakit, ang mangyayari ay mahahawaan pa nito ang mga makasasalamuha niya sa christmas party.
Kapag ang isang indibidwal naman na nagpositibo sa virus gamit ang antigen test hindi sila makapupunta sa party at magmumuktol.
Kayat saad ni Vergeire na ang pinakamainam na paraan para masuri kung may covid o wala ang isang indibidwal ay sa pamamagitan ng health screening para matukoy kung ang isang indibidwal ay nagkaroon ng exposure sa iba na nagpositibo sa virus at kung mayroong nararamdamang sintomas ng sakit.
Liban dito, hinihimok pa rin ang mga partygoer na magsuot pa rin ng face mask upang matiyak na hindi gaanong magkaroon ng hawaan.










