Nababahala umano ang dating secretary ng Department of Health (DOH) dahil sa pag-aalangan ng mga nakararami na magpaturok ng bakuna kontra COVID-19.
Sinabi ni Dr. Esperanza Cabral na nakaka-alarma raw ang datos kung saan 75 porsyento ang nagdududa sa pagiging epektibo ng bakuna.
Kung ikukumpara raw kasi sa mga naunang datos ay aabot lamang ng 40 hanggang 60 porsyento ang bilang ng mga mamamayan na may agam-agam na nararamdaman sa pagpapaturok ng COVID-19 vaccine.
Ani Cabral, dapat ay may gawin tungkol dito ang pamahalaan at Department of Health (DOH).
Batay sa non-commissioned scientific poll na isinagawa ng isang grupo ng mga eksperto noong Disyembre, 25 porsyento lamang ng mga residente sa Maynila ang handang magpabakuna laban sa COVID-19.
Habang 47 percent ng mga respondents ang hindi pa nakakapag-desisyon at 28 percent naman ang nagsabi na hindi sila magpapabakuna.
Para kay Cabral, dapat daw ay maglunsad ng malawakang information campaign ang DOH tungkol sa pagpapabakuna laban sa nakakamatay na virus.
Kailangan umano na ipaliwanag sa publiko na epektibo at ligtas ang bakuna na kanilang matatanggap. Kung papayag umano ang mga ito na magpaturok ay magiging maliit lamang ang tsansa na tamaan sila ng deadly virus.