Papayagan ng liderato ng Kamara ang lahat ng komite ng kapulungan na makapagsagawa ng mga pagpupulong o pagdinig kahit sila naka-sine die adjournment na ang Kongreso simula sa Hunyo 4, ayon kay House Majority Leader Martin Romualdez.
Sa pagdinig ng Kamara kahapon sa prangkisa ng ABS-CBN, sinabi ni Romualdez na gagawa siya ng pormal na mosyon para payagan ang House Committees on Legislative Franchises at Good Government and Public Accountability na matakay ang prangkisang hinihiling ng media giant kahit pa sa break ng Kongreso.
Bukod dito, pagkakataon din aniya ito upang sa gayon ay makapagsagawa ng pagdinig ang Kamara sa iba pang mahahalagang panukalang batas katulad na lamang iyong mga naglalayong tugunan ang epekto ng krisis na dulot ng COVID-19 pandemic.
Kahapon, inaprubahan na ng House Defeat COVID-19 Ad Hoc Committee ang P568-billion Philippine Economic Stimulus Act (PESA), Financial Institutions Strategic Transfer (FIST) Bill, at Anti-Discrimination Bill.