-- Advertisements --

Sinimulan na ng Senado ang imbestigasyon hinggil sa nangyaring engkwentro sa pagitan ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency – Special Enforcement Service at mga operatiba ng Quezon City Police District – Special Operations Unit.

Matatandaang matapos ang sagupaan ng mga ito sa Commonwealth, nasundan pa ito ng muntik na namang engkwentro sa Fairview, Quezon City.

Ayon kay Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa, chairman ng Senate committee on public order and dangerous drugs, layunin ng pagdinig na mabusisi ang kasalukuyang law enforcement procedures at protocols na may kaugnayan sa mga operasyon laban sa iligal na droga.

Basehan ng pagdinig ang mga resolusyong inihain nina Sen. Leila De Lima, Risa Hontiveros at Senate President Vicente Sotto III, na target alamin kung lehitimo ang nabanggit na anti-drug operation na pinag-ugatan ng misencounter ng magkabilang grupo.