Ipinagpaliban ng House committee on justice ang nakatakdang pagdinig sa authenticity ng land titles ng ABS-CBN Corporation sa Quezon City.
Ayon kay Leyte Rep. Ching Veloso, chairman ng komite, hindi itinuloy ang pagdinig kasunod ng kanilang iba’t ibang konsultasyon at dahil na rin sa payo ng House leadership.
Sesentro sana ang pagdinig sa resolusyon na inihain ni Deputy Speaker Rodante Marcoleta.
Nakasaad sa naturang resolusyon na dapat paalisin ang ABS-CBN sa complex na kanilang tinatayuan dahil gawa raw sa Recto ang land title na gamit nito, bagay na pinabulaanan naman ng kompanya sa isa sa mga pagdinig ng Kamara sa kanilang franchise application sa mga nakalipas na buwan.
Sinabi ni Veloso na layon ng pagpapaliban sa naturang pagdinig na maiwasan ang duplication lalo na sa “conflicting findings” ng iba’t ibang komite sa Kamara.
Gayunman, tiniyak ng kongresista na ang pagsisiyasat sa land title ng ABS-CBN ay itutuloy pa rin ng komite at sinisilip na rin ng iba’t ibang government agencies ang concerns ni Marcoleta.