-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Kinausap na ni Police Regional Office-Cordillera (PRO-COR) regional director Pol. B/Gen. R’win Pagkalinawan si Benguet Provincial Police Office director P/Col. Elmer Ragay ukol sa magiging hakbang ng mga ito para patuloy na matugunan ang problema sa presensya ng mga marijuana plantation sites sa lalawigan.

Kasunod ito ng pagbunot at pagsunog ng mga pulis sa mga marijuana plants na tinatayang nagkakahalaga ng P10 million.

Ito’y sa loob ng dalawang araw na eradication operation sa 10 plantation sites sa mga sitio ng Palina at Ambil-o sa Barangay Tacadang, Kibungan, Benguet na pinangunahan mismo ni Pagkalinawan.

Ayon sa kanya, patuloy ang eradication operations ng mga allied units ng PRO-COR para masiguro na mawawala na lahat ng mga plantation sites ng marijuana sa Benguet.

Dinagdag niya na ang patuloy na pagsagawa ng eradication campaign ang susi para malinis na ang Cordillera sa marijuana at nang mahinto na ang pagtawag sa rehiyon bilang “marijuana capital” ng bansa.

Aniya, hindi na dapat hintaying maging fully-grown ang mga marijuana bago sila magsagawa ng eradication operation.

Dinagdag niya na nakakatulong din ang operasyon sa mga pulis dahil nabibigyan sila ng pagkakataon na makapag-ehersisyo dahil sa ilang oras na lakaran patungo sa mga bundok kung saan naaayon ito sa polisiya ng Philippine National Police sa body mass index.

Hiniling na rin aniya kay Kibungan Mayor Cesar Molintas ang pagpasa ng lokal na pamahalaan ng municipal resolution na magdedeklara na persona non grata sa mga marijuana cultivators at drug pushers doon.