-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Isang araw pagkatapos aprubahan ng 19th Sangguniang Panlalawigan, agad na binawi ang resolution na inihain ni Vice Governor Reynaldo Quimpo na nagdedeklara sa apat na kongresista bilang “persona non grata” sa Boracay at buong lalawigan ng Aklan dahil sa muling pagbuhay sa panukalang Boracay Island Development Authority – Government Owned and Controlled Corporation (BIDA-GOCC).

Layunin ng inihaing House Bill 1085 o Proposing the Creation of Boracay Island Development Authority (BIDA) as a Government-Owned and Controlled Corporation (GOCC) noong Hulyo 4, 2022 na ang national government na ang magpapatakbo sa operasyon ng Boracay.

Agad na nagsagawa ng special session ang provincial board members kahapon ng hapon upang bawiin ang naturang deklarasyon laban kina Luis Raymund “Lray” Villafuerte ng 2nd District ng Camarines Sur, Tsuyoshi Anthony Horibata ng 1st District ng Camarines Sur, Miguel Luis Villafuerte ng 5th District ng Camarines Sur, at Nicolas Enciso lll ng Bicol Saro Party-list.

Ayon kay Aklan second district board member Jay Tejada, hindi agad nila natanggap ang sulat na binabawi na ng nasabing mga kongresista ang kanilang kontrobersiyal na panukala noong Agosto 3.

Ito aniya ang pinakamabigat nilang ginawa sa kapwa legislators sa kasaysayan ng pulitika sa Aklan.

Nais umano nilang ipakita na hindi dapat tinatapakan ang karapatan at otonomiya ng Aklan.

Hangad ng provincial board members na wala nang kongresistang magtatangkang muling buhayin ang BIDA-GOCC bill para sa ikatatahimik ng lahat.

Sa kabilang daku, dismayado si Aklan 2nd district congressman Teodorico Haresco sa naging hakbang ng kanyang lokal na partidong Tibyog-Aklan.

Dapat umanong pinag-isipan munang mabuti bago ipinasa ang resolusyon.