-- Advertisements --

Nilinaw ni Mayor Honey Lacuna na hindi na kinakailangan pang magdeklara ng pertussis outbreak sa Maynila.

Ito ay dahil walo lamang ang nakumpirmang kaso mula sa 11 na naiulat na mga apektado at may posibleng pertussis sa nasabing lungsod mula Enero 1 hanggang Marso 23.

Ayon kay Mayor Lacuna, tila maswerte umano ang nasabing lungsod kumpara sa ibang lugar na may mas mataas na bilang ng nasabing sakit.

Karamihan sa mga naiulat na tinamaan ng pertussis ay mga sanggol na may edad na dalawa hanggang anim na buwan at isang hanggang apat na taong gulang ngunit siniguro naman ng naturang Mayor na ang lahat ng mga ito ay kasalukuyang nagpapagaling na.

Samantala, pinaalalahanan din ni Lacuna ang kaniyang mga residente na magpabakuna laban sa pertussis at ito ay maaavail sa mga health centers at hospital sa kanilang lungsod.