-- Advertisements --

Binigyang-diin ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang kahalagahan sa Pilipinas ng paglahok ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa isinasagawang Commemorative Summit ng ika-50 anibersaryo ng ASEAN-Japan Friendship and Cooperation, na nakatakda sa Disyembre 15-18 sa Tokyo, Japan.

Positibo si Speaker Romualdez, na gaganap ng isang mahalagang papel si Pangulong Marcos sa mga mahahalagang talakayan sa mga pangunahing isyu sa rehiyon, kabilang ang pinahusay na kooperasyong pang-ekonomiya ng Japan at Pilipinas.

Aniya bibigyang importansya ni Pangulong Marcos ang pagpapaunlad ng imprastraktura, renewable energy, at digital transformation ay naaayon sa kadalubhasaan, at strategic investment ng Japan sa rehiyon.

Magbibigay din umano ang naturang pagpupulong ng pagkakataon para maisulong ang pinahusay na maritime at security cooperation sa pagitan ng Pilipinas at Japan, lalo na sa pagpapaunlad ng katatagan ng rehiyon at pagtugon sa mga maritime challenges na kinakaharap ng ating bansa sa West Philippine Sea, ayon kay Romualdez.

Tinukoy pa nito na ang tagumpay ng mga programa tulad ng Japan-East Asia Network of Exchange for Students and Youths (JENESYS) Program, ay patotoo na ang naturang summit ang perpektong lugar para sa paglalatag ng mga plataporma upang palakasin ang people-to-people linkages at cultural exchange sa pagitan ng ASEAN at Japan.

Kumpiyansa si Romualdez na ang malalim na pananaw ng Pangulo at hindi natitinag na pangako sa kooperasyong panrehiyon ay magbibigay-daan para sa mga konkretong hakbangin at magreresulta sa mga kasunduan na pakikinabangan hindi lamang ng Pilipinas at Japan kundi lahat ng miyembrong estado ng ASEAN.

“This golden anniversary summit carries immense potential to redefine the ASEAN-Japan relationship and usher in a new era of progress and prosperity for all. With President Marcos at the helm, we are confident that the Philippines will play a central role in making this vision a reality,” sabi pa ni Speaker Romualdez.

Una ng sinabi ni Pangulong Marcos na sisiguruhin nito sa mga ASEAN Member States at Japan na bilang permanent coordinator sa ASEAN-Japan Economic Relations, patuloy na itutulak ng Pilipinas ang mga inisyatiba at proyekto sa ASEAN at Japan.