-- Advertisements --
pnp chief benjamin acorda jr

Suportado ni Philippine National Police chief PGen Benjamin Acorda Jr. ang ideyang pagdadala ng personal na armas ng mga miyembro ng media sa bansa.

Inihayag ito ng hepe ng Pambansang Pulisya sa isang ambush interview sa pagbubukas ng kauna-unahang Invitational Shootfest na pinangunahan ng PNP Press Corps sa Camp Karingal, sa Quezon City.

Paliwanag ni Gen. Acorda, layunin nito na magsilbing proteksyon sa mga mamamahayag sa bansa na kadalasang nagiging biktima ng mga pag-atake nang may kaugnayan sa kanilang mga trabaho.

Ito aniya ang dahilan kung bakit mahalagang pagkaroon ng pansariling proteksyon ang media laban sa mga posibleng banta sa kanilang mga buhay nang dahil sa kanilang propesyon.

Kaugnay nito ay inanunsyo din ng heneral na bibigyan ng special accomodation ang mga mamamahayag para sa pagkuha ng Permit to Carry Firearms Outside Residence.

Habang pinag-aaralan na rin aniya ngayon ng PNP ang pagpapababa pa ng babayarang fee sa naturang permit
para sa lahat ng miyembro ng media upang maging kasing halaga nalang nito ang presyo ng fee na iniaalok para sa mga tauhan ng gobyerno.

Matatandaang una nang sinabi ni PNP Chief Acorda na layunin ng paglulunsad ng Invitational Shootfest ng PNP Press Corps na maturuan ang mga mamamahayag na maprotektahan ang kanilang sarili sa pamamagitan ng tamang paggamit ng baril.

Isa na rin aniyang paraan ito upang maiparamdam sa mga miyembro ng media ang kanilang kahalagahan lalo na’t marami na ring mga mamamahayag sa bansa ang nabiktima ng pag-atake nang may kaugnayan sa kanilang propesyon tulad na lamang ng beteranong brodkaster na si Percy Lapid at ang photojournalist na si Joshua Abiad.