Sentro ngayon ng pagpuna sa internet ang bagong logo ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na ginastusan ng nasa P3 million.
Ilang observer ang nagsabing maraming red flags sa bagong labas na disenyo ng logo.
Maliban sa malaking gastos ng government corporation, nakukulangan ang marami sa disenyo nito, bukod pa sa ilang issue ukol sa gumawa nito.
Ang nasa likod kasi ng logo na Printplus Graphic Services ay sinasabing noong Hunyo 14, 2023 lamang nakapagparehistro sa Philippine Government Electronic Procurement System (PhilGEPS).
Maging ang official page nito ay wala man lang umanong sariling logo at naasa 30 lamang ang followers.
Sinubukan din ng ilan na hanapin ang opisina nito, ngunit itinuturo lamang sila sa tila bakanteng lote.
Mungkahi ni Atty. Gideon Pena, sana raw ay nagkaroon na lamang ng logo making contest at baka mas nakatipid pa ang gobyerno at marami rin ang mapagpipilian.
Nitong nakaraang buwan lamang, naging tampulan din ng puna ang Department of Tourism (DOT) dahil naman sa slogan at promotional video na kinunan sa ibang mga bansa, sa halip na sa sariling mga tanawin sa Pilipinas.