Kinumpirma ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) na pinayagan ng pamahalaan ang partial operations ng offshore gaming hubs sa gitna ng ipinatutupad na enhanced community quarantine dahil sa pandemic na COVID-19.
Sa isang panayam sinabi ni PAGCOR chairperson at CEO Andrea Domingo, na mahigpit pa rin namang ipatutupad ang umiiral na precautionary measures para matiyak na walang banta ng pagkalat ng sakit.
Nilinaw ng opisyal na 30-porsyento lang ng kabuuang workforce ng mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) ang papayagang bumalik sa trabaho.
Batay sa tala ng PAGCOR, tinatayang may higit 31,000 Pinoy ang nagta-trabaho sa ilalim ng naturang industriya.
Kaakibat daw ng partial operations ng mga POGO ang kondisyon na babayaran ang isang buwang sahod para sa Abril ng Pinoy workers kahit hindi sila nakapasok ng trabaho.
May 60 kompanya ng POGO na inaasahang magbubukas kapag natapos ang kinakailangang validation at preparasyon.