-- Advertisements --

Target ni Sen. Richard Gordon ang panukala na naglalayon ng pagbuo ng Philippine Marshall Unit (PMU) na siyang tututok para sa proteksyon at kaligtasan ng mga hukom at mga abugado na may banta sa buhay.

Inihain ni Gordon ang Senate Bill 1181 para sa nasabing unit, kung saan ang control at supervision ay hahawakan ng Korte Suprema na bukod sa pagbibigay ng proteksyon sa mga miyembro ng judiciary, sila rin ang mag-iimbestiga sa mga tiwaling miyembro ng hudikatura.

Sa naturang panukalang batas, sakop din ng PMU ang pag-assist sa pagpapatupad ng mga court order at pagbibigay proteksyon sa mga testigo.

Kung maaalala, sinabi ni Supreme Court (SC) Chief Justice Diosdado Peralta na nais niyang magkaroon ang SC ng security force tulad ng United States Marshall Service.

Dati nang nagpahayag ng pagkabahala si Gordon dahil sa sunod sunod na serye ng pamamaslang sa mga miyembro ng hudikatura tulad ng pamamaril kay Ilocos Sur Judge Mario Anacleto Bañez sa San Fernando, La Union noong November 5 at dating Municipal Trial Court Judge Exequil Dagala na pinagbabaril mismo sa loob ng kanyang bahay sa Siargao Island, Surigao del Norte nitong November 1, 2019.